Kanina, matapos ang isang oras nang nakaaantok kong klase sa kabila, bumalik ako sa aming luklukan upang mag-aral para sa pagsusulit ko bukas. (Nosebleed!) Hahaha!
Wala akong balak mag-senti pero ganun ang nangyari.
Habang kasalukuyan kong binabagtas ang daan patungo sa opisina, napasulyap ako sa kalangitan. Napansin ko ang dalawang bagay -- ang buwan at isang bituing tila nagmamasid sa kagandahan nito.
Hinihiram lamang ng buwan ang kanyang liwanag sa araw. Samantalang, ang bituin ay kayang magbigay-liwanag sa sariling pamamaraan nito.
Umiikot ang buwan sa mundo habang ang bituin nama'y umiikot sa walang partikular na patutunguhan. Palibot-libot lamang ito sa kawalan, sa paraang gusto nito nang walang inaalalang anumang bagay...
Napaisip tuloy ako. Tayong dalawa, parang tayong dalawa ang buwan at bituin.
Ikaw, nabubuhay ngayon dito sa mundo sa pamamagitan nang paghiram sa mga alaala ko. Ang bawat paghinga, pagtawa, pagkilos at buntunghininga -- tandang-tanda ko pa ang lahat ng mga iyon. At sa tuwing maaalala ko ang mga bagay na iyon, hindi ko mapigilan ang pagguhit ng sakit sa puso ko.
Oo, siguro nga, dapat nakalimot na ako. Pero, paano ko gagawin iyon kung lahat ng bagay at taong nakapaligid sa akin ay walang ginawa kundi ipaalala ka? Naalala kita sa bawat araw at buwang lumilipas sa buhay ko... At kahit pinipilit ko ang sarili kong manatiling manhid at walang pakiramdam sa mga pagkakataong bumabalik ka sa isip ko, hindi pa rin ako nagtatagumpay.
May mga araw na hinihiling kong sana, magkaroon na lang ako ng amnesia. It was said that there are only two things that can erase memories -- AMNESIA and DEATH.
And I know that I still have a long life ahead of me. I do not wish to live each second in misery and agony.
Sawang-sawa na akong umiyak. Subalit, ano ang magagawa ko kung iyon ang pinakamabisang lunas sa sakit na nararamdaman ko ngayon? May maibibigay ka bang gamot para maibsan ang lungkot ko dahil nahihirapan akong mabuhay nang wala ka?
Bakit mo ako iniwan? Alam kong isa akong bituing magagawang manatili sa mundo kahit wala ka. Hindi ko kailangan nang kahit sinumang masasandigan upang magpatuloy at maging masaya.
Pero, alam ko sa puso kong kasinungalingan iyon.
Dahil, kailangan kita.
AT ISANG KASINUNGALINGAN ANG BUHAY KO NGAYON DAHIL WALA KA NA.
Alam kong ayaw mong nalulungkot ang mga tao sa paligid mo. A yaw mong may umiiyak. Ayaw mong may nagdurusa.
Pero, masisisi mo ba ako kung kasalukuyan akong nahihirapang ipagpatuloy ang buhay ko dahil wala ka?
Sabi ko pa naman sa sarili ko, hindi ko kailangan ang kahit sinuman para mabuhay. Hindi ako aasa sa kahit sinuman para maging masaya.
Pero, binali mong lahat ang plano ko. Sinira mo ang mga bagay na matagal ko nang sinusunod at binibigyang-pansin.
Asan ka na ba? Naririnig mo ba ang mga dasal ko riyan sa langit?
Lord, please. Pakisabi sa kanyang mahal na mahal ko siya.
Bigyan mo po ako ng lakas na mabuhay kahit na wala na siya...