(I checked my organizer and found these poems written on several pages. Out of boredom and while waiting for my turn to donate some blood, I decided to write these poems as pastime.
I always try to make sure I do something worthwhile during my free times.)
June 3, 2010 (1:36 p.m.)
JAPAYUKI
Ayoko sa Japayuki.
Maamoy,
Malansa,
at matitinik kang talaga.
Maraming lalaki,
ang may gusto sa Japayuki.
Pero, hindi ako.
Hinding-hindi ako.
Magkamatayan man tayo!
Kadalasan,
siya ay napalilibutan ng ilaw.
At palaging grandeng entrada,
ang sumasalubong sa kanya.
Kinailangang mag-Niponngo,
at magsalitang tila may sipon.
Parang may nakabara sa ilong,
sana'y pati sa kanyang dumurugong puso.
Ayoko sa Japayuki...
Amoy pa lang,
nakasusulasok na!
lalo na't 'pag natikman,
kanyang pira-pirasong laman.
Ayokong matinik at mahirinan,
mapaprito man 'yan o sinigang.
Ngunit patuloy siyang sumasayaw,
sa gitna nang nagpapalitang ilaw.
Sa Kabuki, ikaw ang pangunahing tauhan.
Itago mo ang luha,
magpinta ng ngiti sa mukha!
Ayoko sa Japayuki!
Ang lahat-lahat ng tungkol sa kanya.
Ang pang-aalipusta at pandudusta,
pilit niyayakap niya,
para sa iilang lapad,
dangal mo'y ibinilad.
Ngunit, Japayuki ka man,
'di ka huhusgahan.
Hudas lamang ang magbubuhat
ng sarili sa pedestal!
Japayuki ka,
oo, iyon ka.
Subalit tao ka.
At hindi isang
nakapandidiring isda...
June 3, 2010 (2:30 p.m.)
Usapan sa Blood Bank
Sa gawing kaliwa,
umaalingawngaw
sapantaha ng dalwang 'di nasisiyahan,
sa pagkapanalo ni Noynoy,
sila'y 'di kumbinsido.
Gusto ni Ate si Teodoro,
si Kuya nama'y nakikinig sa kanyang sentimyento.
Tatlong lalaki ang kangina'y nag-umpukan,
Usapan ang 'flavor of the month' nila.
'Yung isa, huli sa aktong nangangaliwa,
Si Ma'am ang lihim niyang pantasya.
Katextmate, 'di mabilang,
kabi-kabila ang kasagutan.
Ngiting aso ang dalawa,
suportado ang kaibigan nila.
Mahaba ang pila,
at ako'y nanlalamig na.
Subalit sa blood screening,
'di makakawala!
Tuloy ang usapan.
May bagong umpukan,
usapang labada, abala si Ina,
naiwan ang mga anak niya,
may magbabantay ba sa kanila?
Mauulinig ang alingawngaw,
samantalang ako'y nasa loob ng silid na.
Naiinip na matawag,
subalit, 'di pa tapos ang laban.
Sa loob, inquirer si Dok,
kinukumpirma kay Manong kanyang mga sagot.
May AIDS ka ba? Naiintindihan mo ba?
'Pagkat sakit na ito'y nakahahawa,
automatic rejection 'pag napatunayan na.
Solohin mo ang sakit mo't
'wag mandamay ng iba!
Ang haba ng proseso,
sa pagkuha ng dugo,
Naiinip na ako sa sobrang bagal nito.
Pampalipas-oras ang tulang ito,
Ngunit 'di pa rin nasusuri ang aking dugo.
June 3, 2010 (4:11 p.m.)
Nag-iisa
ang mangangatha.
walang kapiling
kundi ang tula.
Kataka-takang
sa laksa-laksang tanan,
matitipon ang daan-daang salita.
Malayang nagliliwaliw
itong isip na magiliw.
Pilit niyang inaaliw
ang sariling pagkabaliw.
Libu-libong mga salita,
daan-daang katha.
Subalit, magpatuloy man ang mga kamay,
Sa pagsusulat,
pagbubulay-bulay,
pagkukulay,
mananatiling malumbay,
ang pusong inalila mo ____________.
Please observe the Intellectual Property Rights.
-- Raphaelle (I. N. J.)
0 comments:
Post a Comment