EMOTERA -- Matagal ko nang hindi naririnig ang salitang ito. Madalas itong sabihin ng mga kaibigan ko dati sa publication. At heto, nagbabalik-loob na naman ako.
Posible pala talagang kahit na maraming tao sa paligid mo, mararamdaman mo pa rin ang pag-iisa. Kahit na sabihin pang isang libo o isang milyon ang nakapalibot sa iyo, mag-isa ka pa rin sa mundo.
Isa lang ito sa mga panahong napapatanong ako sa sarili ko kung ano ba talaga ang gusto kong gawin. Mananatili ba ako sa kinalulugaran ko o aalis ba ako para makakita ng iba pang mundo? Hindi lamang iisa ang lugar sa daigdig. Hindi rin iisa ang mga mukha, hugis o ugali ng tao. Gusto kong umalis at lumayo para makakilala pa ako ng ibang tao. Baka sakaling sa paghahanap ko ay makakita rin ako ng isang taong katulad ko.
Matagal nang nabuo ang desisyon ko. Aalis ako sa kasulukuyang estado ko. Magpapakalayo at hahanapin ang sarili ko. Sa isang tagong bahagi ng puso ko, gusto kong maniwalang naririto ka lang at magkakasalubong tayo. Pero alam kong payapa ka na sa kasalukuyang kinalalagyan mo.
Sa totoo lang, naiinggit ako sa'yo. Dahil tahimik at payapa na ang iyong mundo. Dahil hindi mo na mararanasan ang pangungulilang pinagdaraanan ko. Pero alam mo, namimiss kong makita ang ngiti mo. Namimiss ko na rin marinig ang tawa mo. Namimiss ko nang makitang namumula ang pisngi mo sa sobrang kakatawa. Sa madaling salita, namimiss na kita.
Gusto kong maniwalang posible ang tunay na pag-ibig sa daigdig. Pero, takot din akong subukang ibigay ang puso ko sa iba. Hindi kasi sila tulad mo na katiwa-tiwala. Sigurado akong hindi mo ako sasaktan o lolokohin. Pero, wala ka na.
Minsan, hinahanap kita sa mga taong nakakasalubong ko sa LRT at MRT. Minsan, para akong tangang lumilinga pa kapag nakakita ako ng kahawig mo. Kakatwa, 'di ba? Ganyan kita namimiss, Mr. News and Sports Editor.
Sana ipagdasal mo ako sa kinalulugaran mo ngayon. I miss you so much. Maybe, I will visit you soon. I can't promise a date but I will set one for sure.
I love you. Always. Forever. In pace requiescat. †